Pinasisilip sa Kamara ni Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali ang umano’y kwestyunable at maanomalyang pagsasagawa ng public biddings ng Philippine Ports Authority (PPA) sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa House Resolution 1822, partikular na inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Transportation sa pagsasagawa ng joint inquiry “in aid of legislation.”
Batay sa resolusyon, humigit-kumulang P1.3 billion ang halaga na posibleng nawala sa pamahalaan, para sa public biddings sa limang pantalan lamang, kabilang dito ang Puerto Princesa, Ormoc, Tabaco, Legazpi at Calapan ports.
Inirerekomenda ng resolusyon kay Transportation Sec. Arthur Tugade na suspendihin at ipagpaliban ang mga public bidding na ginagawa ng PPA at general manager nito na si Atty. Jay Santiago hanggang sa matapos ang imbestigasyon.
Ayon pa kay Umali, ang public biddings ng PPA para sa mga government port, sea terminals at port facilities, sa ilalim ng bagong terminal leasing and management rules and regulations, ay hindi napapanahon at napapakinabangan lamang umano ng mga “chosen one.”