LA NIÑA ALERT, INILABAS NG PAGASA

Cauayan City – Naglabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng La Niña Alert dahil sa pagbaba ng temperatura ng tubig sa Pacific Ocean, na umabot sa negative 0.5 degrees Celsius.

Ayon kay DOST-PAGASA Echague Chief Meteorologist Ramil Tuppil, La Niña Alert pa lamang ang kanilang inilabas dahil hindi pa natutugunan ang mga pamantayan para ideklara ang La Niña season. Batay sa Climate Prediction Center, may pitumput dalawang (72) porsiyento na posibilidad ng La Niña phenomenon. Gayunpaman, maaaring makaranas ang bansa ng mga kondisyon na katulad ng La Niña hanggang Marso.

Sa ganitong kondisyon, mas mataas ang antas ng pag-ulan kaysa karaniwan, na maaaring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa.


Dagdag pa ni Ginoong Tuppil, bagamat inaasahan ang posibilidad ng mga bagyo sa unang bahagi ng taon, mababa ang tsansa na tumama ang mga ito sa Northern Luzon dahil sa epekto ng northeast monsoon.

Nagbabala rin ang PAGASA sa publiko at sa mga Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMO) sa mga probinsiya na maging handa at magbantay sa mga posibleng epekto ng malalakas na pag-ulan sa kanilang mga lugar.

Facebook Comments