*Manila, Philippines – Muling inungkat ni Senate President Koko Pimentel ang 2,450 toneladang basura na itinapon ng Canada sa bansa noong 2013 at nananatiling nakatambak sa landfill sa Tarlac.*
*Ginawa ito ni Pimentel matapos na kanselahin ni President Rodrigo Duterte ang naisarang kasunduan sa Canada para sa pagbili ng 16 na helicopters.*
*Ito ay makaraang magpahayag ng pag-aalala ang Canadian government sa mga human rights issue laban sa administrasyong Duterte at baka anila gamitin din ang nabanggit na mga helicopters pang-atake sa mga rebeldeng grupo.*
*Diin ni Pimentel, ang ginawang pagtatambak ng Canada ng tone-toneladang basura dito sa Pilipinas ay taliwas sa pinapangalandakan ni Prime Minister Justine Trudeau na pagpapahalaga sa karapatang pantao.*
*Ayon kay Pimentel, malinaw na ang ginawa ng Canada ay pagwalang bahala sa kalusugan ng mga Pilipino, paglabag sa ating mga batas at kawalan ng pakialam sa pangangalaga sa ating kapaligiran.*
*Giit pa ni Pimentel, dapat totohanin ni trudeau ang inihayag nito noong 31st Summit of the Association of Southeast Asian Nations o ASEAN na naplantsa na ang mga legal na balakid na pumipigil sa Canada para kunin ang mga basurang ibinyahe nito sa Pilipinas.*