Katawan ng dalawang foreigner, naialis na – SOCO

Naialis na ang bangkay ng dalawang lalakeng foreigner na sinasabing tumalon mula sa IM hotel na matatagpuan sa panulukan ng Kalayaan at Makati Avenue.

 

Ayon kay Police Senior Superintendent Rogelio Simon, Hepe ng Makati City Police na inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang “asian looking foreigners”.

 

Sinabi ni Simon na posibleng nahulog ang dalawa mula sa hindi pa tukoy na palapag ng nasabing hotel.


 

Pero hindi pa nila masabi sa ngayon kung talagang tumalon ang dalawa o aksidente lamang na nahulog o may foul play sa pagkamatay ng mga banyaga.

Kwento ni Simon, nagpapatrolya ang kanyang mga tauhan kaninang alas-singko singkwenta ng umaga kasama ang mga tanod ng Barangay Poblacion nang bigla na lamang nilang narinig ang malakas na kalabog.

 

Pagkatapos nito, sinisiyasat ng mga otoridad ang lugar at dito na nga tumambad ang lasug-lasog na katawan ng dalawa.

 

Sa ngayon ay tuloy ang pakikipag-ugnayan ng Makati Police sa pamunuan ng hotel upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima.

Facebook Comments