*San Mateo, Isabela- Naiuwi na ng pamilya kahapon ang mga labi ng isang OFW na sampung buwan na mula ng mamatay sa Jeddah, Saudi Arabia dahil sa pagkaka-aksidente nito sa kanyang trabaho.
Kinilala ang biktima na si Mario Antonio Cayusal Jr, 32 anyos, isang Construction worker sa Jeddah, Saudi Arabia at residente ng brgy Malasin, San Mateo, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Edgar Pambid, ang presidente ng Bagong Bayani ng OFW Organization ng Isabela, natagalan umano ang pag-uwi sa bangkay ng biktima dahil sa umano’y naiwang utang nito sa isang kumpanya.
Aniya, mayroon umanong natitirang utang si Mario Cayusal Jr. na nagkakahalaga 23 thousand Saudi Riyal o may katumbas na tatlong daang libong piso (300,000.00) dahil umano sa kanyang hinuhulugang sasakyan.
Ayon pa kay Pambid, nalutas na umano ang utang ng biktima sa tulong na rin ni Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III matapos nitong pakiusapan ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na sagutin muna ang utang ng biktima upang maiuwi na sa bansa.
Matagumpay namang naiuwi ng pamilya ang mga labi ng biktima sa tulong na rin ng OWWA.
Paalala naman ni Pambid sa mga nasa ibayong dagat o sa lahat ng mga nais magtrabaho bilang Domestic Helper sa ibang bansa na huwag na umanong mangutang o mag-loan upang maiwasan umano ang anumang aberya.