Labi ng mga nasawi sa ‘misencounter’ sa Quezon City Sa pagitan ng QCPD at PDEA, isasailalim sa autopsy ngayong araw

Nakatakdang sumailalim sa autopsy ngayong araw, Pebrero 27 ang labi ng mga nasawi sa nangyaring ‘misencounter’ sa pagitan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City.

Ayon kay NBI Spokesperson Atty. Ferdinand Lavin, full forensic investigation ang kanilang gagawin kung saan iba’t ibang serbisyo ng ahensya ang magsasagawa ng imbestigasyon.

Una nang tumungo ang NBI sa parking lot ng isang fast-food outlet na siyang itinuturing na crime scene para magsagawa ng forensic investigation.


Umaasa rin ang ahensya na maibibigay na sa kanila ang kopya ng CCTV sa lugar ng pinangyarihan ng misencounter.

Samantala, kinumpirma rin ng NBI na hawak na nila ang affidavit ng tatlong civilian witness.

Dahil dito, umaasa ang NBI na mapagtatagpi-tagpi na nila ang mga ebidensya na magtuturo sa tunay na pinag-ugatan ng insidente.

Tiniyak naman ni Lavin na ireresolba nila ang kaso nang patas at walang pinapanigan.

Facebook Comments