“Approval” na lang ng mga otoridad sa Saudi Arabia ang kinakailangan para sa repatriation ng bangkay ng Overseas Filipino Worker (OFW) na napatay ng kapwa nito Pinoy sa Saudi.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), batay sa Philippine Embassy sa Riyadh ay inaasahang maglalabas ang mga otoridad ng approval pagkatapos ng imbestigasyon sa insidente.
Naisagawa na ang autopsy at maaaring matanggap na ng mga otoridad doon ang report.
Nauna nang sinabi ng DFA na ang biktima, na mula sa Pampanga, ay sinaksak ng isa pang Pilipino sa loob ng kanilang kwarto sa isang apartment building sa Saudi Arabia.
Ang suspek naman ay nasa “serious but stable condition” sa National Guard Hospital sa Riyadh, makaraang magtamo ng pinsala nang tumalon mula sa ikatlong palapag ng building.