Nakarating na sa Metro Manila ang labi ng tatlo sa apat na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu matapos mapagkamalang kalaban.
Kahapon, dumating ang labi nina Major Marvin Indammog, 39-anyos, Captain Irwin Managuelod, 33-anyos at Sgt. Jaime Velasco, 38-anyos sa Villamor Airbase, Pasay City at binigyan ng arrival honors ng militar.
Sinalubong mismo ni Army Commanding General Gilbert Gapay ang labi ng tatlo kasama pamilya ng mga nasawi.
Ang labi naman ni Corporal Abdal Asula, 33-anyos ay agad nailibing sa Sulu.
Nakadepende naman sa pamilya ng tatlong sundalo kung papayag silang ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang kanilang mga nasawing kaanak.
Kaugnay nito tinawag naman ni General Gapay na ‘murder’ at hindi ‘misencounter’ ang nangyari sa kanyang mga tauhan.
Aniya, masama pa rin ang kanyang loob dahil pawang kasinungalingan ang ginawang spot report ng Philippine National Police (PNP) sa nangyaring insidente.
Nagpatutsada pa ang heneral at sinabing maiiwasan sana ang pagkakapatay sa mga sundalo kung may maayos na disiplina ang mga pulis sa sarili at maayos na training.