Labi ni dating Isabela Vice Governor Atty. Manuel Torres Binag, Binigyang Pugay!

*City of Ilagan, Isabela –* Binigyang pugay at huling respeto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang namayapang dating Bise Gobernador ng Isabela na si Atty. Manuel “Boy” Torres Binag ngayong araw.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Ginoong Romy Santos, Media Consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela. Ayon kay Santos binuksan na sa publiko ang pagdalaw sa burol ng dating Bise Gobernador sa kapitolyo ng Isabela. Namatay si Atty. Binag sanhi ng kanyang sakit sa edad na 77.

Bilang bahagi sa nasabing pagpupugay ay inaasahan naman ang pagdating ng mga pinuno ng Probinsya ng Isabela sa pangunguna ni Governor Bojie Dy III., Vice Governor Tonypet Albano, Congressman Rodito T. Albano III, at iba pang mga naging kasamahan sa trabaho ni Atty. Boy Binag.


Maliban sa pamilya dumagsa rin ang mga empleyado ng lungsod ng Ilagan upang makiramay.

Dagdag pa ni Santos, dakong alas tres ng hapon ngayong araw ang necrological services ng yumao at inaasahang magbibigay mensahe ang pamilya Binag kasama ang mga pinuno ng Ilagan.

Nakatakdang ihatid sa kaniyang huling hantungan sa private cemetery ng Lungsod ng Ilagan si Atty. Boy Binag bukas, Enero 04, 2019.

Samantala, naging konsehal si Binag noong taong 1968-1971, nahalal bilang sangguniang panlalawigan noong taong 1972-1976, naging alkalde ng Ilagan taong 1976-1986, nahalal bilang Bise Gobernador ng Isabela noong taong 1988-1995, pansamantalang nagpahinga sa pulitika at muling nahalal bilang Sangguniang Panlalawigan ng Isabela noong taong 2001-2004.

Kilala din si Binag bilang Dean ng St. Ferdinad College, City of Ilagan, College of Law.


Facebook Comments