Abot na sa 15,687 na mga private at public establishments sa buong bansa ang ginawaran na ng Safety Seal certification ng Local Government Units (LGUs) bilang patunay na nakasunod ang mga ito sa mga minimum public health standards.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya, sa harap ng tumataas na naman ang kaso ng COVID-19, napaka-importante na nakakasigurado ang publiko na ligtas sila sa kanilang pinupuntahan.
Ani Malaya, mula sa labingwalong rehiyon, ang National Capital Region (NCR) ang nakapagtala ng pinakamarami o 9,638 na mga establishment na nabigyan ng safety seal.
Sinusundan ito ng Region IV-A o Calabarzon na mayroong 1,194 establishments na nabigyan ng safety seal.
Sa Luzon, ang Quezon City ang nangunguna na mayroong 3,171 na nabigyan ng safety seal habang sa Visayas ay ang Negros Oriental at sa Mindanao ay ang Zamboanga del Norte.
Una na ring nakatanggap ng safety seals ang establishments sa Mandaluyong, Valenzuela, Parañaque, Manila, Taguig, Pasig, Marikina, Pasay, Caloocan, Muntinlupa, Pateros, at Makati.