Labor case ng broadcaster na si Mel Tiangco, ibinasura ng Korte Suprema

Pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) sa kaso ni broadcaster Carmela “Mel” Tiangco laban sa ABS-CBN.

Batay sa 24 na pahinang desisyon ng Supreme Court, kinatigan nito ang desisyon ng CA na nag-aapruba sa partial settlement agreement ni Tiangco at ng ABS-CBN kung saan ang ilang isyu sa kaso ay naging moot and academic na.

Nag-ugat ang kaso ni Tiangco laban sa ABS-CBN matapos itong sibakin ng nasabing network bilang anchor ng news program nito dahil sa sinasabing hindi awtorisadong paglabas ng newscaster sa isang commercial.


March 11, 1996 nang sampahan ni Tiangco ang media network ng illegal dismissal, illegal suspension, at iba pang monetary claims.

Unang napanalo ni Tiangco ang kaso sa labor arbiter subalit binaligtad ito ng National Labor Relations Commission kaya umakyat ang newscaster sa Court of Appeals.

Nagkaroon ng settlement ang dalawang panig subalit iginiit ni Tiangco na hindi kasama sa nabayaran ang kanyang separation pay, damages at attorney’s fee.

Facebook Comments