Manila, Philippines – Taliwas sa inaasahan, walang inanunsyong dagdag sahod si Pangulong Duterte sa selebrasyon ng Labor Day sa Davao City.
Hindi na rin binasa ng Pangulo ang kabuuan ng inihanda niyang speech, pero sabi ng Pangulo pipirmahan niya ang isang Executive Order na magtatapos sa kontraktwalisasyon o endo (end of contact).
Sa magkahalong salitang bisaya, tagalog at ingles – ikinuwento ng Pangulo na may ilang negosyanteng nakikiusap na bigyan sila ng panahon bago tuluyang mawala ang endo.
Nauna ng nag-isyu ng Department Order 174 ang Labor Department kaugnay sa kontraktwalisasyon.
Pero sa meeting kasama ang ilang labor groups bago ang talumpati ng Pangulo, deretsahan umanong sinabi ng mga labor organization sa Pangulo na hindi nakakatugon ang naturang department order.
Dahil dito, sinabi ni Trade Union Congress of the Philippines Vice President Louie Corral, na pinagsusumite sila ng Pangulo ng isang draft ng Executive Order na sa tingin nila magiging sagot sa problemang ito.
Si Labor Secretary Silvestre Bello III, sang-ayon naman sa desisyon ng Pangulo.
Oras na mapirmahan ang EO, maghihigpit na ang kagawaran sa mga patuloy na magpapatupad ng kontraktwalisasyon.
Sa talumpati pa ng Pangulo, muling inupakan nito ang mga mayayaman at oligarch na nagmamay-ari ng malalaking lupain, pero hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Bukod sa pagwawakas sa endo, inanunsyo din ng Pangulo na iparatipika na sa senado ang batas na kumikilala sa karapatan ng mga manggagawa sa gobyerno.
Inutusan din ng Pangulo ang mga regional wages board na pag-aralan ang socio-economic na sitwasyon sa kani-kanilang nasasakupan at magrekomenda ng adjustment sa kasalukuyang salary rate.
DZXL558