Pinalagan ng labor groups ang pahayag ng Department of Labor and Employment na maaring pag-apply ang mga distressed na kompanya ng exemption sa pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa ngayong COVID-19 pandemic.
Sa interview ng RMN Manila kay Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines Spokesperson Alan Tanjusay, binigyan diin nito na maaaring magka-problema ang DOLE kung igigiit nito ang kanilang panukala lalo na’t itina-takda sa Presidential Decree no. 851 ang pagbibigay ng 13th month pay sa mga rank-and-file employees, bago ang December 24.
Giit ni Tanjusay, kung distress ang mga kompanya ay mas lalong problemado ang mga manggagawa na maliit lang ang kinikita.
Para naman sa grupong Kilusang Mayong Uno, hindi katanggap-tanggap na ang mga manggagawa ang masasakripisyo.
Ayon sa grupo, responsibilidad ng gobyerno na humanap ng paraan upang tulungang makabangon ang sektor ng negosyo at manggagawa sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Employers Confederation of the Philippines President Sergio Ortiz-Luis Jr. na tinatayang nasa dalawang milyong manggagawa ang posibleng hindi mabigyan ng 13th month pay ngayong taon.
Paliwanag ni Luis, naghihingalo ang halos lahat ng Small and Medium Enterprises sa bansa dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Batay sa tala ng DOLE, aabot sa 13,127 na kompanya sa bansa ang permanente nang nagsara habang 116,471 iba ang temporary closed o nagpatupad ng flexible working arrangements.