Ngayong hapon ay magsisimula ang konsultasyon ng National Capital Region (NCR) wage board.
Ayon sa mga grupo ng mga manggagawa, sisiputin nila ang gagawing pagdinig pero hindi para makibahagi sa talakayan o review ng P40 wage increase na tinanggap ng NCR workers noong July 2023.
Ayon sa Partido Manggagawa, maglalabas sila ng hinaing dahil kalahati na ng tinatanggap na arawang kita ay kinain na ng inflation.
Ang P610 minimum wage sa NCR, na adjusted na sa April inflation ay katumbas na lang ng P502.60.
Naniwala naman ang Nagkaisa Labor Coalition na ang dapat na pag-aralan ay ang mismong wage boards sa lahat ng rehiyon.
Panahon na umanong ibasura ang RA 6727 o ang Wage Rationalization Act of 1989 dahil sa kabiguang iahon sa kahirapan ang milyun-milyong minimum wage earners sa nakalipas na 35 na taon.
Naniniwala ang grupo na ang wage consultation ay may layong i-preempt ang impending action ng Congress hinggil sa P150 legislated wage increase.