Lacson, nanawagang plantsahin na ngayong araw rules sa special session

Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Panfilo Ping Lacson na dapat maplantsa na agad ng mabuti ang rules o patakaran para sa joint session ng mataas at mababang kapulungan bukas.

Ayon kay Lacson, kung walang maisasapinal na rules ay magiging magulo ang joint session na tatalakay sa hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapalawig ng martial law sa buong Mindanao hanggang December 31.

Sinabi ni Lacson, na bukod sa iginigiit ng house na nominal voting, hanggang sa ngayon ay wala pa ring naisasapinal na rules para sa joint session kung saan magbobotohan ang mga senador at congressmen kung papahintulutan ang pagpapalawig sa martial law na bukas na rin magtatapos.


Kaugnay nito ay hinihikayat ni Lacson ang majority leaders ng dalawang kapulungan na mag-usap na para ayusin ang rules ng joint session.

Paalala ni Lacson, isa sa mga importanteng itinuturo sa mga paaralan para maiwasan ang kumplikadong sitwasyon ay ang pagkakaroon ng malinaw na rules na nauunawaan at mahigpit na maipapatupad.

Facebook Comments