Buo ang paniniwala ng mga Caviteño na sina Partido Reporma presidential candidate Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, na sila lamang ang mga “K” o Karapatang maging presidente ng Pilipinas.
Tinatayang nasa 4,000 katao mula sa iba’t ibang bayan ng Cavite ang nagpunta sa pagtitipon kahapon bilang pagpapakita ng kanilang suporta at pakikiisa sa Lacson-Sotto tandem.
Napuno ng malakas na palakpakan at papuri mula sa kanilang mga tagasuporta ang proclamation rally ng tambalang Lacson-Sotto III na ginanap sa Imus Grandstand. Dinaluhan ito ng iba’t ibang grupo ng mga senior citizen, kabataan, at mga kababayan ng presidential candidate.
Nagpakita rin ng kanilang tiwala at pagsang-ayon sa mga adbokasiya ng Lacson-Sotto ang ilang lokal na opisyal sa Cavite kabilang sina Imus City Mayor Emmanuel Maliksi, Rep. Alex Advincula, Carmona Mayor Roy Loyola, mga councilor at mga punong barangay ng lalawigan.
Ipinangako ni Lacson sa harap ng kanyang mga kababayan sa Imus na hinding-hindi niya sasayangin ang kanilang boto kung siya ang magiging susunod na pangulo.
Giit pa ni Lacson, kanilang ipagpapatuloy ang kanilang magandang serbisyo maging ang kanilang “battle cry” na aayusin ang gobyerno para maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino.
Bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19 ay mahigpit na ipinatupad ang social distancing at iba pang health protocol.