Hindi mangangampanya laban sa Duterte Administration ang tandem nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Pero sa halip, sinabi ni SP Sotto na isusulong nila ang mga reporma na hindi nagawang maipursige ng kasalukuyang pamahalaan.
Aniya, magiging ‘neutral’ sila sa 2022 elections.
“Hindi namin kokontrahin ‘yong magandang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon. Kokontrahin namin ‘yong hindi magandang ginagawa o may mga kakulangan,” sabi ni Sotto sa isang panayam.
Bagamat ang kaniyang political party na Nationalist People’s Coalition (NPC) ay kaalyado ni Pangulong Duterte, sinabi ni Sotto na hindi sila naka-alyansa sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban), maging sa iba pang oposisyon.
Pagmamahal sa bayan ang nagtulak sa kanila na gawin ito.
“Saan ba papunta ang Pilipinas? Meron pa bang programang maganda para ika nga ay put the country back on track? At meron ba tayong programang magagawa na mas makakabuti para sa bansa?” ani Sotto.
“Marami kaming nakikitang programa na dapat ipatupad. Nasa plano talaga ng gobyerno pero hindi nangyayari,” dagdag pa ni Sotto.
Si Lacson ay tatakbo sa pagkapangulo habang si Sotto ay tatakbo naman sa pagkabise presidente.