Matatag na inspirasyon ang bumungad sa mga kawani at opisyal ng pamahalaan at iba’t ibang sektor sa lungsod na ito araw ng Lunes, Marso 14.
Naging panauhing pandangal kasi nila sa flag-raising ceremony sina Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson at ka-tandem niyang si vice presidentiable Tito Sotto. Dito, sama-sama silang nanumpa para sa pagbuo ng isang tapat na gobyernong malinis sa korapsyon na ligtas sa banta ng terorismo at iba pang krimen.
“The Philippine deserves a better peace and order and prosperity,” mensahe ni Lacson sa mga Isabelano, gayundin para sa lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mga tulad niyang nakaranas ng karahasan at pang-aabuso sa mga armadong grupo tulad ng New People’s Army (NPA).
Nagsilbi si Lacson sa lalawigang ito bilang provincial commander noong 1988, at ngayon matapos ang 34-taon ay nagbabalik naman siya bilang kandidato sa pagkapangulo.
Ibinahagi ng batikang lingkod-bayan ang kanyang hindi malilimutang karanasan sa Isabela na muntik na niyang ikamatay. Ito ay nang targetin siya ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Jones.
Sa kasamaang palad, ang nasawi sa pananambang ng mga NPA ay ang kanyang tauhan na si Lt. Rosauro Toda, Jr. na nalagutan pa ng hininga sa mga bisig ni Lacson.
“May mga pangyayari na dapat may mangyari sa’yo, hindi nangyayari dahil nga mayroong nag-i-intervene sa taas siguro o kaya talagang ‘yun ang fate,” sabi pa ni Lacson habang sinasariwa ang karanasang naging batayan din niya para sugpuin ang terorismo at mga kaugnay pa nitong problema sa bansa.
Ani Lacson, kung siya ang pipiliin ng mga Pilipino para maging susunod na pangulo, magkakaroon ng payapa ngunit seryosong giyera para matapos na ang mga magkakawing na problemang dala ng rebelyon.
“Kailan pa po ba natin matatapos ang problema ng insurgency para magkaroon ng katahimikan at ng prosperity ‘yung ating bansa? Kasi tayo rin ang nag-su-suffer. ‘Yung mga businessman natin, ‘di ba, merong revolutionary taxes? Sinusunog ‘yung mga equipment sa bundok. Hindi lamang dito (kundi pati) sa iba’t ibang lugar ng kapuluan. So dapat naman talaga (matapos na),” ani pa ni Lacson sa kanyang talumpati.
Matapos ang flag ceremony, nagsalo sa agahan ang tambalang Lacson-Sotto kasama ng mga lokal na opisyal at kawani ng Cauayan City, at nagtungo sila sa Our Lady of the Pillar Parish Church para mag-alay ng panalangin.
Kasunod nito, tulad ng ginawa ng Lacson-Sotto tandem sa mga naunang probinsya na kanilang dinalaw, ay nagsagawa rin sila ng isang town hall meeting kasama ng iba’t ibang mga sektor sa nasabing lungsod. Layunin nila na mapakinggan ang boses ng publiko at talakayin ang mga solusyon sa mga nararanasan nilang problema.