Lacson-Sotto sa Comelec: Klaruhin patakaran sa baklas-poster at iba pang regulasyon

Umapela sina Partido Reporma presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa Commission on Elections (Comelec) na maging praktikal at reyalistiko sa mga ipatutupad na pamantayan sa pangangampanya ngayong Halalan 2022.

Kabilang na rito ang paglalagay ng mga poster ng mga kandidato sa pribadong gusali na may pahintulot naman mula sa may-ari, pagbabawal sa pagkuha ng ‘selfie’ ng ilang mga tagasuporta sa mga kandidato, pamimigay ng ilang campaign paraphernalia at iba pa.

Sa ‘Meet the Press’ forum ngayong Huwebes, natanong kina Lacson at Sotto ang kanilang opinyon hinggil sa babala ng Comelec sa mga kandidato na lalabag sa kanilang guidelines, lalo na sa pagkakabit ng mga campaign material na labis sa itinakdang sukat.


Ayon sa ahensya, bukod sa pagbabaklas dito ay maaari pang masampahan ng kaso ang mismong kandidato. Sinabi ni Lacson na maaaring magkaroon ng isyu ang ganitong alituntunin sa karapatan ng may-ari ng establisimyento na ipahayag ang kanyang pagsuporta sa napiling kandidato.

“Property ko ito, maski anong gawin ko rito, ‘wag lang ako makaksakit ng ibang tao. Bakit mo pagbabawalan? Kung ‘yung private property ko nilagyan ko ng kanyon na nakaubang, nakakapanakot, ‘yun pwede managot ‘yung may-ari ng bahay o ‘yung private property. Pero [‘yung] harmless na sabihin na nating tarpaulins o maski ano, I think they should revisit that,” saad ni Lacson.

Sabi naman ni Sotto, may malaking banta ang pahayag ng Comelec na mismong kandidato ang pananagutin sa ganitong sitwasyon. Maaari umano itong magamit ng mga kalaban sa pulitika na nais sirain ang isang kandidato ngayong eleksyon.

“[Halimbawa] hahanap ako ng bahay na bakante ay lalagyan ko ng mga 50-feet by 50-feet na litrato ni Manny Pacquiao o ano? Disqualified si Manny? ‘Di ba, ‘yan ang sinasabi ko e. Parang ano ‘yan, parang ‘No Vax, No Ride’ ‘yan e. Hindi thought off e, not well thought off,” pabirong pagpapaliwanag ni Sotto sa nasabing isyu.

Ganito rin ang posisyon ng tambalang Lacson-Sotto sa ilan pang mga regulasyon na nais umanong ipatupad ng Comelec gaya ng pagbabawal sa pakikipagkamay at pakikisalamuha ng ilang mga kandidato sa kanilang mga tagasuporta sa mga campaign sortie na umaabot sa pagpapaunlak ng pagkuha nila ng litrato.

Para kay Sotto, tila mahirap unawain kung sa mga simpleng gawain na ‘yon na hindi naman ipinagbabawal ng batas ay mag-di-disqualify ng kandidato ang Comelec, habang hinahayaang mamayagpag ang ilan na kung tutuusin ay may mas mabigat na kaso.

“Anong penalty sa sinasabi ng resolution [na] bawal [mag]-selfie o walang selfie? [Halimbawa,] nilapitan ako ngayon ng isang kaibigan o isang, ika nga, nagtratrabaho rito. Nakipag-selfie sa akin. Ano ang penalty? Sinong i-pe-penalize? ‘Yung nag-se-selfie o ako? Hindi ko alam doon sa resolution na ‘yon e,” sabi ni Sotto.

Hindi rin praktikal umano para kay Lacson ang regulasyon na bawat aktibidad ng isang kandidato ay kailangan pang ikuha ng permiso sa Comelec, lalo kung hindi naman ito lilikha ng malaking abala sa mga tao gaya ng simpleng pagdaan o pagbisita sa mga pampublikong lugar.

‘Maglalakad ka lang sa kalsada para makipagkamay kukuha ka ng permiso? Magra-rally ka, makikipag-town hall ka—case-to-case ha—each and every activity na related sa campaign kailangan magpaalam ka. Kumuha ka ng permiso sa Comelec. Tell me, practical ba ‘yon?” tanong ni Lacson.

Sa kanilang panig, nanindigan ang Lacson-Sotto tandem na simula nang ianunsyo nila ang kanilang pagtakbo bilang presidente at bise presidente ay mahigpit na nilang sinusunod ang mga kautusan ng Comelec para sa ligtas at patas na pangangampanya.

Hinimok din nila ang Comelec na sampolan at bigyan ng parusa ang ibang kandidato na lumabag sa mga health protocol habang nangangampanya upang magkaroon ng pantay na pagpapatupad sa kanilang mga kautusan. ###

Facebook Comments