Lacson-Sotto Support Group, pinalakas kasunod ng pagkalas ni presidential candidate Sen. Ping Lacson sa Partido Reporma

Hinangaan ng kanyang mga taga-suporta si Presidential Candidate Panfilo “Ping” Lacson sa ipinakita nitong katatagan matapos ang pagbibitiw niya bilang chairman at miyembro ng Partido Reporma.

Kasunod na rin ito ng hayagang pag-iwan kay Lacson ng Partido Reporma at suportahan ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo.

Sa interview ng RMN News Nationwide, sinabi ng tagapagsalita ni Lacson na si Dating Cong. Ace Acedillo na dito nila nakita ang katatagan ni Sen. Ping sa pagharap sa mga ganitong sitwasyon bilang isang lider kung saan lalo siyang napabilib.


Ayon kay Acedillo, Enero pa lang ay napansin na nila na tila humina na ang suporta ng Partido Reporma partikular sa Davao del Norte kay Sen. Ping pero sa kabila nito ay hindi sila pinanghinaan ng loob at itinuturing pa nila ito na isang “positive moves”.

Tuloy aniya ang kampanya ng mga sumusuporta at naniniwala kay Lacson.

Ayon kay Acedillo, kabilang sa hakbang nila ngayon ang pagpapalakas ng nationwide support ng Lacson-Sotto Support Group (LSSG).

Bukod dito, kakausapin din ng kampo ni Lacson ang lahat ng miyembro at kandidato ng Partido Reporma sa labas ng Davao del Norte na nais sumama at kapareho ng kanilang adbokasiya na labanan ang graft at korapsyon at isulong ang maayos na pamamahala sa gobyerno.

Facebook Comments