Nananawagan sina presidential candidate Panfilo Lacson at vice presidential candidate Vicente “Tito” Sotto III sa mga botante na suriing mabuti kung sino ang tapat na kandidato para labanan ang talamak na korapsyon sa bansa na nagpapabagsak ng ekonomiya at sistema sa tapat na pamamalakad sa gobyerno.
Ginawa nina Lacson at Sotto ang pahayag matapos na aminin na ilang ulit nang may nanuhol sa kanila ng limpak-limpak na salapi kapalit ng paglagda sa prangkisa ng isang lehislatura.
Naniniwala si Lacson na kapag may kaugnayan sa legislation ay mapapahiya ang sinumang magtangka na manuhol sa kanya at hindi naman nila ikayayaman ito.
Ganun din ang naging pahayag ni Sotto na hindi naman nila madadala sa libingan ang pera na mula sa suhol kapalit ng paglagda sa isang legislation.
Matatandaan na ibinulgar din kahapon ni Lacson na may nag-alok ng tulong sa kanila ni Sotto ng dalawang maleta na puno ng pera para sa kanilang pondo sa kampanya.
Subalit tinanggihan ito ng dalawa dahil may kapalit na legislation na ayon kay Sotto sa taumbayan sila nagsisilbi hindi kanino man.
Dahil dito, hiniling ni Lacson sa mga botante na pag-aralan mabuti ang kanilang mga nagawang pagiging tapat sa taumbayan para labanan ang korapsyon tungo sa pag-aayos sa gobyerno at pag-aayos sa buhay ng bawat mamamayang Pilipino.