Lacson-Sotto tandem, tiwala na magkakaroon ng vote swing sa Mayo

Maliban sa pag-asang tumaas sa survey, tiwala pa rin sina presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson at vice presidential candidate Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magkakaroon ng Vote Swing sa darating na halalan sa Mayo ngayong taon.

Para naman kay Sotto, marami pang pwedeng mangyari sa loob ng tatlo hanggang apat na araw bunsod ng teknolohiya at 24/7 na balita.

Base sa nakaraang nationwide survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD), nakakuha si Lacsok ng 7 percent share habang 40 percent naman ang nakuhang voter support ni Sotto, pangalawa kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nakakuha ng 51 percent.


Ipinahayag naman ni Lacson na handa siyang makipag-debate kanino man para mapatunayan kung sino ang pinakakwalipikado na maging susunod na lider ng bansa.

Paliwanag pa ng Lacson-Sotto tandem na ang maling desisyon ng mga Pilipino sa pagboto ay magreresulta sa anim na taong pagdurusa.

Babala ni Lacson sa mga botante na huwag iboto ang mga uri ng lider na magnanakaw, manloloko at kulang sa karanasan para resolbahin ang sangkaterbang problema na kinakaharap ng bansa.

Ayon pa kay Lacson, kapag nagkamali tayo ng ating pipiliin, at kapag ang napili natin umano ay magnanakaw, malamang sa hindi anim na taon tayo pagnanakawan at kapag ang ating napili naman ang mapaglinlang at mapagkunwari, malamang sa hindi anim na taon tayong lolokohin.

Nagbabala pa si Lacson na kapag ang ating napili ay kulang sa kwalipikasyon, kulang sa experience at competence, malamang sa hindi lulubog ang ating bansa.

Mahalaga aniya na pag-isipang mabuti ng mga botante ang kanilang desisyon.

Dagdag pa ni Sotto, may sapat silang karanasan ni Lacson para mahusay na ipatupad ang mga batas na layong tugunan ang mga problema ng gobyerno.

Binigyand diin pa ni Sotto na napakaraming magagandang batas silang nagawa pero hindi napapatupad nang tama kaya’t hiniling ng beteranong senador na pagbigyan naman sila ni Lacson at makakaasa ang taongbayan na tatama ang pagpapatupad ng mga batas na ito.

Facebook Comments