Cauayan City, Isabela- Isasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong bayan ng Lagawe, Ifugao simula bukas, April 23 hanggang May 21 o halos 1-buwan dahil sa dumaraming kaso ng mga positibo sa COVID-19.
Ito ay alinsunod sa Executive no. D-01 na pinagtibay ni Mayor Martin Habawel.
Ikinategorya sa critical zone ang mga barangay Boliwong, Burnay, Caba,Cudog, Luta,Olilicon,Poblacion East, North, South at West maging ang Tungod habang ang iba naman ay containment zone.
Sa kasalukuyan, nasa 288 ang active cases sa Lagawe kung saan nahati ang nasabing bilang sa 12 barangays critical zone at naitala naman ang limang (5) namatay dahil sa virus.
Sa kabila nito, ipagbabawal pa rin ang paglabas ng mga edad 18 pababa at 65 pataas kung saan mahigpit na ipatutupad ang strict home quarantine sa bawat kabahayan.
Mananatili naman ang mga hotels na bukas kung mayroong pahintulot mula sa Department of Tourism (DOT).
Samantala, papayagan pa rin na makapasok ang mga cargo trucks kasabay ng pagsunod sa minimum health standards.
Mahigpit naman na ipatutupad ang liquor ban at curfew habang umiiral ang implementasyon ng MECQ.