Uulanin pa rin ang ilang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng Low Pressure Area (LPA).
Huli itong namataan sa layong 195 kilometers silangan hilagang-silangan ng Virac, Catanduanes.
Dahil sa trough ng LPA, makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan ang Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga, Davao Region, Camiguin, Misamis Oriental at Bukidnon.
Mahihinang pag-ulan naman ang iiral sa Cagayan Valley, Aurora at Quezon Province pero ito ay dahil sa epekto ng hanging amihan.
Habang sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa maaliwalas na ang panahon maliban sa mga isolated light rains.
Samantala, alas 5:00 kaninang umaga, bumagsak sa 10.4 degrees celcius ang temperatura sa Baguio City.
Ito na ang pinakamababang temperatura sa Baguio City ngayong Enero pero sa kasaysayan, 6.3 degrees celsius ang pinakamababang naitala sa lungsod noong January 19, 1961.