Kinompronta ni Solicitor General Jose Calida ang isang reporter ng ABS-CBN, ilang minuto matapos siyang maghain ng quo warranto petition sa Korte Suprema, Lunes ng hapon.
Sa kuhang video ng mga news organization, humihingi ng kopya ng petisyon si Mike Navallo kay Calida tungkol sa pagpapawalang-bisa ng prangkisa ng istasyong kinabibilingan.
Subalit imbis na magbigay ng dokumento, patutsada ang isinagot ng Solicitor General sa mamamahayag.
“You’re a lawyer? You’re from Cagayan de Oro?” kuwestiyon ni Calida kay Navallo.
“Surigao, why sir?” tugon ng Justice beat reporter.
“Because I’m also from Mindanao. Lagi mo akong binabanatan. Abogado ka rin pala e,” biglang hirit ng opisyal.
“Sir, I’m just doing my job. It’s part of the story,” diretsahang sagot ng journalist.
“Practice ka na lang, baka magkita tayo sa court,” biglang banat ng Solicitor General.
Matatandaang ibinalita ni Navallo noong nakaraang taon na may kinalaman raw ang Office of the Solicitor General kaugnay sa pag-draft ng affidavit ni Peter Joemel Advincula o alyas Bikoy hinggil sa isyu ng Duterte ouster plot.
Bago ang komprontasyon, sinubukan na siyang tanungin ng mga miyembro ng press kung bakit ngayon lang nagpasa ng petisyon at kinailangan pang hintayin na mapaso ang prangkisa ng Kapamilya network sa darating na Marso 30.
Nauna nang binanggit ng opisyal na hindi niya maibabahagi ang dokumentong hinihiling dahil “late” na siya.
Batay sa quo warranto petition, inirereklamo ng OSG ang umano’y “highly abusive practices” ng ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Convergence Inc., isa sa mga subsidiary at communications arm ng istasyon.
Kabilang na rito ang pagpapatakbo ng network ng mga pay-per-view-channel sa TV plus at Kapamilya Box Office (KBO) Channel na walang permiso mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Lumabag rin umano ang kompanya sa “foreign ownership restrictions”, alinsunod sa 1987 Philippine Constitutions, na Pinoy lang ang dapat may-ari ng mga broadcast media sa buong Pilipinas. Mariin naman pinabulaanan ng network ang mga paratang ng OSG.
Nakatakdang sumagot ang ABS-CBN sa petisyong inihain sa Korte Suprema sa loob ng sampung araw.