Inihahanda na ng Laguna Philippine National Police (PNP) ang kasong ihahain laban sa apat na miyembro ng Quick Response Team (QRT) ng Barangay Turbina sa Calamba City na nasangkot sa pagkamatay ng isang lalaki na lumabag sa curfew.
Ayon kay Lt. Col. Chit Gaoiran, Public Information Officer (PIO) ng Laguna Police, nakuhaan na ng statement ang kaanak ng biktima kung kaya’t posibleng ngayong araw kapag nakumpleto na ang mga papeles ay ihahain na nila ang kaso.
Sinabi pa ni Gaoiran, nananatili sa kanilang barangay ang dalawa sa apat na miyembro ng QRT na sina Arjay Abierta at Joel Ortiz habang hindi naman na mahagilap ang mga kasama ng mga ito.
Dagdag pa ng opisyal, hinihintay na lang ng Calamba-PNP ang death certificate ng biktima habang inaasikaso na rin ng pamilya ang autopsy report.
Muling iginiit ni Gaoiran na kung may ipinapatupad naman na ordinansa hinggil sa pag-iisyu ng tiket, ito na lang sana ang ginawa at pinauwi na lamang sana ang mga nag-violate.
Bagamat maximum tolerance ang pinaiiral ng Laguna PNP, wala naman silang planong ikulong ang mga lumalabag sa panuntunan ng ipinapatupad na community quarantine.
Matatandaan na ang biktima na kinilalang si Ernanie Jimenez, ay dumanas umano ng pambubugbog mula sa apat na miyembro ng QRT ng Barangay Turbina matapos lumabag sa curfew.
Mariin naman itinanggi nina Abierta at Ortiz gayundin ng mga opisyal ng barangay ang paratang saka iginiit na nabagok daw ang ulo ng biktima ng tinangka nitong tumakas kung saan agad nila itong isinugod sa Calamba Medical Center at kalaunan ay namatay habang ginagamot.