Lahat ng dialysis sessions ng mga senior citizen, ipinasasagot sa PhilHealth

Isinusulong ni Senator Risa Hontiveros ang isang panukalang batas na layong sagutin ng state health insurer na Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang lahat ng dialysis session ng mga senior citizen.

Sa Senate Bill 144 ng senadora, pinasasagot sa PhilHealth ang dialysis sessions ng mga nakatatanda gayundin ang kanilang laboratory procedures at supplies na kakailanganin para sa dialysis sessions.

Dapat ay sa mga ospital o dialysis center na accredited ng PhilHealth isasagawa ang mga procedure para sagutin ng ahensya.


Sinabi ni Hontiveros na ang panukala ay isang pagkilala sa naging pagsisikap at kontribusyon sa pag-unlad ng bansa ng mga lolo at lola.

Samantala, mayroon ding Senate Bill 190 si Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go na layong bigyan ang PhilHealth ng isang taon para bumuo ng isang komprehensibong dialysis benefit package para sa lahat ng nangangailangan ng dialysis at hindi lamang sa mga senior citizen.

Facebook Comments