Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Justice at ang Solicitor General pati na ang iba pang tanggapan ng Pamahalaan na pagaralan, busisiin, himahimayin ang lahat ng kontratang pinasok ng Pamahalaan sa loob man o sa labas ng bansa.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ito ang iniatas ni Pangulong Duterte sa naganap na cabinet meeting kagabi sa Malacanang.
Ang utos aniyang ito ni Pangulong Duterte ay dahil sa kontrata na pinasok ng Gobyerno sa Maynilad kung saan nadehado ang Pamahalaan o ang Maynilad vs. Republic Arbitration case kung saan natalo ang Gobyerno.
Sinabi naman ni Panelo na kabilang din sa mga pinapaaral ng Pangulo ang mga pinasok na kontrata ng Pamahalaan sa China at wala naman aniyang inilatag na timeline o deadline ang Pangulo pero dapat aniyang as soon as possible ang pagaaral na ito.
Pakay aniya ng Pangulo ay para matiyak na hindi nadedehado ang mamamayan at upang makasiguro na nasusunod ang saligang batas at lahat ng umiiral na batas sa bansa.