Tiniyak ng isang opisyal sa Malacañang na lahat ay makakauwi sa kani-kanilang pamilya sa Pasko.
Ito ay sa gitna ng ginagawang inisyatibo ng gobyerno na mapauwi ang lahat ng mga Locally Stranded Individual (LSI) sa kanilang mga probinsya.
Ayon kay Hatid Tulong Lead Convenor at Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo, wala na sa 500 ang mga natitirang LSI sa buong bansa ang kailangan nilang mapauwi.
Aniya, oras na alisin na ang moratorium sa pagpapauwi ng mga LSI sa Oktubre ay agad silang magsasagawa ng cluster sendoff para sa natitira pang 61 LSI sa Cultural Center of the Philippines (CCP).
Kalahati sa nasabing bilang ay pauuwiin sa Region 8 (Eastern Visayas) habang ang kalahati pa ay mula Cotabato, Davao City at iba pang probinsya sa Mindanao.
Kasama rin sa mga tinutulungan ng Hatid Tulong Program ay ang mga nais makabalik sa National Capital Region mula sa mga kalapit na rehiyon at probinsya.
Sa ngayon, aabot na sa 130,000 hanggang 135,000 LSI ang napauwi sa kani-kanilang mga tahanan simula nang ipatupad ang programa noong Mayo.