Lahat ng mga modules, pinababawi at pinare-review ng isang kongresista sa DepEd

Pinababawi at pinarerebisa ni ACT-CIS Partylist Representative Rowena Niña Taduran sa Department of Education (DepEd) ang lahat ng mga modules na ipinamahagi sa mga estudyante sa buong bansa.

Sa gitna na rin ito ng pagkalat sa social media ng mga mali at kwestiyonableng laman ng mga modules kung saan pinakahuli rito ay ang post ng international artist na si Lea Salonga kaugnay ng isang module na nagsasabing ang tattoo ay simbolo ng isang kriminal batay sa nakasaad sa answer key.

Isa rin sa sinita ng kongresista ang hiwalay na post naman kung saan inilalarawan sa module ang mga magsasaka bilang mahihirap o ‘yagit’.


Punto ng mambabatas, hindi na nakapagtataka kung bakit nahuhuli na ang Pilipinas sa mga kapitbahay na bansa at sa halip na moral values ay nagiging judgmental na ang mga kabataan.

Iginiit pa ni Taduran na malaking hamon na nga ang nangyaring pandemya para sa emosyonal at mental na kalusugan ng mga kabataan, dumagdag pa rito ang mga maling kaalaman.

Bukod sa pagbawi at pag-review sa mga modules ay hiniling din ng kongresista na papanagutin ang mga gumawa ng maling aralin sa mga modules.

Facebook Comments