Matagumpay na naipasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng open dumpsites sa bansa.
Mula nang magsimula ang taon, ipinag-utos ni DENR Secretary Roy Cimatu na ipahinto ang operasyon ng lahat ng open dumpsites sa bansa.
Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, ang open dumpsite sa Ozamiz City, Misamis Occidental ang natitirang open dumpsite sa bansa na nagsara.
Nasa 250 open dumpsites na ang ipinasara ng DENR o boluntaryo nagsara.
Ang susunod aniyang gagawin ay pagtatayo ng sanitary landfills para sa proper waste management.
Sa ilalim ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, ipinagbabawal ang pagtatayo ng open dumpsites at hindi ito pwedeng patakbuhin ng kahit sino o ng lokal na pamahalaan.