Lahat ng responsable sa ilegal na paglilipat ng P60-billion pesos na pondo ng PhilHealth, dapat managot

Iginiit ng Makabayan Bloc na dapat managot ang lahat ng responsable sa ilegal na paglilipat sa National Treasury ng ₱60-billion na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na idineklara ng Supreme Court na unconstitutional.

Diin ng Makabayan Bloc, na binubuo nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Jane Elago at Renee Louise Co, kabilang sa mga dapat managot ang nagsingit, nag-apruba at nagpatupad ng special provision sa 2024 General Appropriations Act para sa paglilipat ng PhilHealth funds.

Ayon sa Makabayan Bloc, kasama dito ang mga miyembro ng 2023 bicameral conference committee, at ang mga bomoto sa bicam report ng budget, kasama din ang pangulo na lumagda at nagsabatas ng national budget at ang Department of Finance (DOF) na nagpatupad nito.

Pinaalala ng Makabayan Bloc na noong ratipikahan ang bicam report para sa proposed 2024 national budget noong December 11, 2023 ay tatlo lang na kongresista na kinatawan ng Makabayan bloc sa Kamara ang komontra habang sa Senado ay tanging si Senator Koko Pimentel lang ang nagbigay ng no vote.

Binanggit ng Makabayan Bloc na ang inilipat na PhilHealth funds ay inilagay sa unprogrammed appropriations na inilaan sa iba’t ibang programa kasama ang flood control projects.

Facebook Comments