CAUAYAN CITY- Handang-handa na ang buong kapulisan ng Lal-lo Airport sa posibleng epekto ni Bagyong Marce sa kanilang lalawigan.
Sa exclusive interview ng IFM News Team kay Officer-In-Charge Police Lieutenant Arnel Liggayu ng Cagayan North International Airport Police Post, bagama’t nasa ilalim ng tropical wind signal ang kanilang bayan ay wala pa ring ibinababang direktiba ang nakatataas hinggil sa kanselasyon ng mga flights kaya nananatiling normal ang operasyon sa naturang paliparan.
Aniya, nakahanda namang italaga ang 85% na tauhan ng Lal-lo Airport upang siguruhin ang kaligtasan ng publiko gaya ng mga paaralan at hospital.
Dagdag pa niya, sa kasalukuyan ay nagpapakalat ng impormasyon, nagbibilin, at nagpapaalala ang kanilang hanay sa publiko hinggil sa posibleng epekto ni Bagyong Marce sa pangunguna ni Police Colonel Renante Baltazar.
Inabisuhan naman ni Police Lieutenant Liggayu ang publiko na maging handa, sundin ang kauutusan ng mga otoridad, at manatiling nakatutok sa mga balita ukol sa bagyo.