LALAKI, ARESTADO DAHIL SA TANIM NA MARIJUANA

Arestado ang isang lalaki matapos itong makitaan ng ipinagbabawal na droga sa loob ng kanyang tahanan sa Purok 5, Paitan, Bayombong.

Kinilala ang suspek na si Mark Guinsayan, 43-taong gulang, may asawa, foreman, at residente ng nasabing lugar.

Naaresto ang nasabing suspek sa pamamagitan ng pinagsamang pwersa ng Bayombong PS, Philippine Drug Enforcement Unit (PDEU), 1st NVPMFC and PDEA NVOP sa bisa ng isang search warrant na ibinaba ni MTC Presiding Judge Leslie Costales ng MTC, 2nd Judicial Region, Bayombong, Nueva Vizcaya na may petsang September 30, 2022.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang fully grown na hinihinalang Marijuana na nakapaso, isang piraso ng transparent plastic sachet na may dahon ng hinihinalang Marijuana, at isang piraso ng plastic blue container at tatlong piraso ng plastic container na parehong naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng Marijuana.

Ayon sa ulat ng pulisya, inamin umano ng suspek na itinanim nito ang Marijuana mula sa buto na hiningi pa niya sa kaniyang kaibigan kung saan itinatago niya ito sa kanyang kwarto at inilalabas lamang kapag papaarawan.

Aniya, ginagamit umano nito ang Marijuana bilang gamot sa tuwing sumasakit ang kaniyang tiyan.

Gayunpaman, sasampahan pa rin ito ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa pagtatanim at pagpapalaki ng ipinagbabawal na droga.

Wala naman umanong record ang nasabing suspek tungkol sa pagbebenta ng Marijuana.

Facebook Comments