Lalaki, Arestado Matapos Pagnakawan ang Kanyang Kapwa Manggagawa!

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang lalaki matapos nitong pagnakawan ang kanyang dalawang katrabaho sa isang pribadong pamilihan sa Brgy. San Fermin Cauayan City.

Kinilala ang mga biktima na sina Michelle Guzon, bente syete anyos, residente ng Brgy. San Fermin Cauayan City at si Crisalin Dacua, trentay syete anyos at residente ng Junction San Manuel, Naguilian Isabela habang ang suspek naman ay kinilalang si Jeffer Dadhan, bente syete anyos, tubong Enrile Cagayan at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. San Fermin Cauayan, City, Isabela.

Batay sa ibinahaging impormasyon ng Cauayan City Police Station sa RMN Cauayan, sinira umano ng suspek ang locker kung saan nakalagay ang mga gamit ng mga biktima at tinangay nito ang dalawang Cellphone ng dalawang biktima na may kabuuang mahigit labingwalong libong piso at perang nagkakahalaga naman ng anim na raang piso.


Dagdag pa rito, ng mapansin umano ng dalawang biktima na nawawala ang kanilang cellphone at pera ay agad na tinignan ang CCTV at dito nakumpirma ang pagtangay ng suspek sa mga Cellphone at pera ng dalawang biktima.

Agad namang tumawag sa tanggapan ng kapulisan ang mga biktima at ipinakita ang CCTV Footage kaya’t agad na hinabol ng mga rumesondeng pulis si Dadhan at naabutan naman itong nasa kahabaan ng National Highway sa naturang Barangay habang naghihintay ng masasakyang traysikel.

Nakumpiska naman mula sa pag-iingat ni Dadhan ang mga ninakaw na cellphones at pera na nagresulta sa kanyang pagkakadakip at hawak na ito ng kapulisan na sasailalim para sa inquest proceedings.

Facebook Comments