
Arestado ang isang 45-anyos na lalaki matapos mahuli sa aktong iligal na pangingisda sa Burgos, La Union noong gabi ng Pebrero 12, 2026.
Rumesponde ang mga tauhan ng Burgos Police Station sa tawag ng isang concerned citizen na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek dahil sa paglabag sa Municipal Ordinance No. 005 o ang anti-illegal fishing ordinance ng bayan.
Nakumpiska mula sa kanya ang mga kagamitang ginagamit sa electric fishing kabilang ang isang baterya, lambat, at mga copper pole na may nakakabit na kawad na may tinatayang halagang ₱1,500.00.
Isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang kagamitan sa mismong lugar sa harap ng naarestong indibidwal at saksi.
Dinala ang suspek at ang mga ebidensya sa Burgos Police Station para sa dokumentasyon, kaukulang disposisyon, at pag-isyu ng municipal citation ticket.










