LALAKI, ARESTADO SA PAG-IINGAT NG ‘DI LISENSYADONG BARIL

Inaresto ang isang lalaki sa Paracelis, Mountain Province kamakailan lamang matapos mahulihan hindi lisensyadong baril.

Batay sa ulat ng pulisya, kinilala ang naarestong suspek na si Danny Bungan, 32, at residente ng Paracelis, Mt. Province. Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, nakatanggap sila ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen sa Brgy. Bantay tungkol sa isang kahina-hinalang indibidwal na sumama sa kanila.

Nang lapitan ng mga rumespondeng pulis ang lalaking inilarawan ng concerned citizen, napansin nila ang nakausli na baril na nakasukbit sa kanyang baywang.

Naaresto ang nasabing suspek dahil sa bigo itong magpakita ng dokumento na nagpapatunay ng legalidad ng baril.

Nakuha mula sa suspek ang isang kwarenta’y singkong baril na may magazine na naglalaman ng pitong bala, isang (1) sling bag na naglalaman ng dalawang (2) magazine na may labing-anim (16) na bala at isang maliit na transparent sachet na naglalaman ng tira tirang hinihinalang shabu.

Dinala sa Paracelis MPS ang naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang sasampahan naman ng kasong RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nasabing suspek.

Facebook Comments