CAUAYAN CITY- Muling hihimas sa malamig na rehas ang isang lalaki matapos itong maaresto ng mga awtoridad nang magpositibo ang pagsisilbi ng search warrant sa kanyang tahanan sa Brgy. Turayong, Cauayan City, Isabela.
Sa ikinasang operasyon bahagyang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng suspek at mga otoridad bago pa man mag-umpisa ang paghahalughog dahilan upang posasan ang suspek na si alyas “John”, 45-anyos.
Sa ginawang paghahalughog, narekober sa pag-iingat ng suspek ang 1 piraso ng silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, 1 maliit na plastic sachet na naglalaman rin ng hinihinalang shabu, 3 piraso ng plastic sachet na may residue, at iba’t-ibang drug paraphernalias.
Nasamsam rin ang 1 pistol caliber 45 replica na nakalagay sa holster, 1 wooden air rifle, 15 piraso ng caliber 45 ammunition, 1 wooden box na naglalaman ng hindi pa matukoy na rifle live ammunition, at 9mm ammunition.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay sinuri at inembentaryo sa presensya ng media, DOJ, at Barangay Officials.
Dinala ang suspek maging ang mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng Cauayan City Police Station na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591.