Lalaki, binigyan ng pagkaing may lason ang mga taong lansangan saka ini-record ang kanilang reaksyon

(Shutterstock)

CALIFORNIA, US – Arestado ang isang lalaki matapos bigyan ng pagkaing may lason ang mga taong lansangan saka kinuhanan ang kanilang namimilipit na reaksyon.

Sa inilabas na report ng Orange County Register, nagsagawa ng “spicy food challenge” ang suspek na si William Robert Cable, 38, at kumuha ng walo kataong nakatira sa seaside town ng Huntington Beach para maging kalahok.

Walang kaalam-alam ang mga biktima sa pagkaing iniabot sa kanila ni Cable na ayon sa ulat ay nilagyan niya ng sangkap ng sili na umano’y doble ang tapang sa isang “pepper spray”.


Dahil dito, bigla umanong nangisay ang mga biktima, nahirapang huminga at nakaramdam ng matinding pananakit ng tiyan– na lahat ay kinuhanan pa ng video ni Cable.

Sa karagdagang report, una nang nagbigay ng alak ang suspek bilang pang-akit umano sa mga kawawang biktima para lumahok sa naturang challenge.

Ini-rekord nito ang kanilang reaksyon para umano mapaulit-ulit niya ang nangyari.

Samantala, agad namang isinugod sa ospital ang walong biktima na walang ideya sa inilagay na sangkap na tinatawag na “oleoresin capsicum”.

Nahatulan ng “eight counts of poisoning” at humaharap sa hindi tataas ng 19 taon at 3 buwang pagkakakulong si Cable na may kaukulang piyansa na $500,000 o mahigit P2,000,000.

Dagdag pa ng report, wala namang lumalabas na indikasyon na plano ng suspek na ibahagi at ibenta sa publiko ang nasabing video footage.

Facebook Comments