Lalaki, Pinagbabaril ng Kapitbahay sa Kalinga

42

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang nagpapagaling sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City ang isang lalaki matapos na barilin ng mismong kapitbahay sa barangay San Pascual, Rizal, Kalinga.

Kinilala ang biktima na si Richard Baligod Pukin, 27 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng San Pascual, Rizal, Kalinga habang ang suspek ay nakilalang sina Melnard Bawagan, Jerome Bawagan Jr., Ivan Bawagan at Iboy Cariaso na pawang mga residente rin sa naturang lugar.


Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Avelmar Renan Garambas, hepe ng PNP Rizal, base aniya sa kanilang imbestigasyon, naganap ang insidente nitong ika-12 ng Hunyo na kung saan ay mayroong alitan na nauwi sa panununtok ang pamilya ng biktima sa mga kapitbahay na suspek.

Kaugnay nito, pumasok sa loob ng kanilang bahay ang isa sa mga suspek na si Melnard Bawagan at sinundan ito ng kanyang tatay at ng dalawa pang mga suspek.

Inilabas ni Melnard ang kanyang M16 armalite rifle at ipinutok sa biktima na tumama sa noo nito.

Agad na tumakas ang mga suspek dala ang kanilang mga baril patungong Kinama, Rizal, Kalinga lulan ang isang Yamaha MIO at kulay itim na HONDA XRM na motorsiklo.



Narekober ng SOCO Team sa pinangyarihan ng insidente sa pangunguna ni PMaj Gina Claire Bentican ang 35 fired cartridge ng Cal 5.56 M16 rifle, isang (1) bandolier na may lamang short magazine na may 21 Caliber 56; dalawang (2) magazine ng M16 rifle; isang (1) belt bag na may magazine ng Cal. 45 at pitong bala; isang short magazine (1) na walang laman at isa pang (1) short magazine na may mga kasamang mga bala ng Cal. 5.56.


Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring insidente.

Facebook Comments