Lalaki, inaresto dahil panyo umano ang ginamit na face mask habang namimili

Handcuffs

Dinampot ng mga pulis ang isang lalaki sa San Fernando, Pampanga matapos mahuling panyo umano ang gamit na face mask habang namimili sa isang palengke.

Pinarusahan ng community service si Reynaldo Calma matapos arestuhin noong Martes habang pauwi na sana galing sa palengke bitbit ang pinamiling isda.

Sumailalim ito sa ilang oras na serbisyo sa barangay hall dahilan kaya umano nabulok ang kanyang binili.


Giit ni Calma, sana raw ay pakinggan ang mga gaya niyang nakikiusap dahil hindi naman daw siya nagpagala-gala kundi namili lang ng kailangan.

Pero ayon sa pulisya, wala umanong kahit anong proteksyon sa mukha ang lalaki nang kanilang mahuli.

Dagdag nito, una na nilang sinabihan si Calma bago pa man sumailalim sa community service na tawagan ang sinuman sa mga kaanak para kunin ang isda ngunit tumanggi raw ito at nagpasyang iwan muna sa istasyon ang pinamili.

Kaugnay nito, mahigpit daw nilang ipinatutupad sa lalawigan ng Pampanga ang pagsusuot ng face mask para maiwasan umano ang pagkalat ng COVID-19.

Nanawagan din sila sa publiko na sumunod sa ibinababang patakaran lalo pa’t mas pinalawak ang enhanced community quarantine sa Pampanga na tatagal pa hanggang May 15.

Samantala, pinagtanim ng gulay si Calma bilang parusa kasama ng ilan pang violator.

Aniya, naging aral daw sa kanya ang nangyari at pinayuhan ang lahat na magsuot ng face mask tuwing aalis ng bahay.

Facebook Comments