MAYNILA – Hinuli at bugbog-sarado sa taumbayan ang isang 45-anyos na lalaki matapos umanong dukutin at gahasain ang 12 menor de edad.
Kinilala ang suspek na si Francisco Zorilla, isang seaman instructor at residente sa distrito ng Sampaloc.
Naaresto si Zorilla sa isinagawang operasyon ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMART) sa may C.M. Recto Avenue, Lunes ng gabi.
Sinubukan pa daw banggain ng itinuturong kriminal ang mga motorsiklong ipinangharang ng mga operatiba.
Narekober sa kaniya ang cellphone na may laman daw video at retrato ng panghahalay sa mga biktima.
Kumpiskado din kay Zorilla ang dalawang bote ng alak, condom na hindi pa nagagamit, granada, at petroleum jelly.
Nabatid ng awtoridad na isinumbong ng mga magulang ng biktima ang suspek kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Enero 30.
Karamihan sa mga biniktima nito ay nasa edad 7 hanggang 16 na kasalukuyang sumasailalim sa counseling.
Ang modus umano ng sinasabing kriminal, i-a-add ang mga ito sa social media, kakaibiganin, at kikitain ng sabay-sabay.
Mariing itinanggi ni Zorilla ang mga pinaparatang sa kaniya at sinabing natutuwa lamang sa mga bata kaya inililibre niya daw sa labas.
Nahaharap ngayon ang salarin sa mga kasong abduction, 20 counts ng statutory rape, reckless imprudence resulting to multiple physical injuries with damage to property, at direct assault.