Lalaki, Kritikal Matapos Saksakin sa Inuman!

Cauayan City, Isabela- Nasa kritikal na kalagayan ang isang lalaki matapos saksakin ng isa pang lalaki kamakailan partikular sa Dacanay Street, San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Judy Estrada, trentay kwatro anyos, may asawa at residente ng Sitio Manal-Paak, San Pablo, Cauayan City habang ang suspek ay kinilalang si John Mark Ariola, nasa tamang edad at residente ng San fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Cauayan City, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang lumapit ang suspek at nagtanong kung sino ang mga ito.


Agad ding umalis ang suspek at habang pauwi naman ang biktima kasama ang kanyang dalawang kainuman sakay ang kanilang kolong-kolong ay biglang humarang sa daan ang suspek at sinaksak sa leeg ang biktima.

Tumakas agad ang suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima para sa kanyang kaukulang lunas.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ang kapulisan hinggil sa naganap na pananaksak at inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban kay Ariola.

Facebook Comments