KENT, England – Haharap sa anim na taong pagkakakulong ang isang lalaki matapos mapatunayang guilty sa kasong rape na inireklamo laban sa kanya ng babaeng nakasakay niya sa isang train.
Sa isinagawang pagdinig sa Canterbury Crown Court nitong Pebrero 7, Biyernes (UK time), isinalaysay ng korte na pauwi raw noon ang suspek na si Timothy Davies, 45, kasama ang kanyang asawa nang mangyari ang krimen.
Bandang ala-1:00 daw ng madaling araw ng Disyembre 2018 nang makita ni Davies ang hindi pinangalanang babae na noo’y mayroon daw karamdaman.
Sa iprinesentang CCTV footage sa naturang paglilitis, makikita umano na una nang hinipuan ng suspek ang biktima bago tuluyang idala sa banyo ng nasabing sasakyan.
Dito ay kinandado daw ni Davies ang banyo at saka sinimulan ang panghahalay.
Nang kumatok na ang asawa nito para ipaalam na malapit na silang bumaba, sinabi pa raw ng suspek na may sakit ang babaeng nasa loob ng banyo.
Kaugnay nito, sa inilabas na pahayag ng biktima, bangungot raw niyang maituturing ang buong pangyayari.
Ayon naman sa British Transport Police (BTP), mariin umanong itinanggi ni Davies ang panghahalay.
Pinahintulutan daw siya ng biktima na gawin ang krimen at ginusto raw nito ang nangyari.
Sa kabilang banda ay humanga naman si Detective Constable Marc Farmer ng BTP sa tapang na ipinakita ng biktima na isiwalat ang insidente.
Aniya, “She should be thoroughly commended for the immense personal strength that she has shown throughout this entire process, and for her courage in coming forward. It is her bravery that has brought Davies to justice.”
Malaki rin daw ang kanyang pasasalamat na nahatulan ang suspek at maibibigay na ang hustisya sa nangyari.
“I hope this sends a very clear message to everyone that we will do everything in our power to prosecute sex offenders and rapists like Davies,” dagdag niya.