SALFORD, England – Sinintensyahan ng mahigit tatlong taong pagkakakulong ang isang lalaki matapos mapatunayang may sala sa pagkamatay ng 8-anyos babae na nasagasaan sa kalsada ng lugar noong 2018.
Hinatulan ng Manchester Crown Court si Jon-Paul Caruana, 25, noong Pebrero 28 dahil sa pagkamatay ng batang si Emily Connor na noo’y tumatawid lamang sa Salford road.
Ayon sa Greater Manchester Police, guilty si Caruana sa kasong “causing death by dangerous driving”.
Nobyembre 2018 nang mangyari ang insidente habang kasama ni Connor ang kanyang lola papuntang sakayan ng bus.
Nakahawak daw ang bata sa kanyang lola ng bigla na lamang itong tumawid at biglang nasagasaan ng humaharurot na sasakayan na noo’y minamaneho ni Caruana.
Dead on the spot ang bata dahil sa tindi ng pinsala ng pagkakasagasa na nakuhanan pa umano sa CCTV footage ng lugar.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagpatakbo si Caruana ng sasakyan sa bilis na 50mph na mariin naman nitong itinanggi.
Naiulat ng pulisya na nagmamadali raw noon ang suspek dahil may kailangan itong pick-upin na kasamahan papuntang trabaho.
“He was rushing to pick up a colleague to travel to work with after initially having to return home because he had forgotten his security fob,” saad ng pulisya.
Dagdag nito, mapapanood daw sa CCTV ang mabilis na pagpapatakbo ni Caruana.
Kaugnay nito, pinagbawalan na rin sa pagmamaneho ang naturang lalaki sa loob ng apat na taon at walong buwan.
Labis naman ang pasasalamat ng pamilya ng biktima sa naging desisyon ng korte.
“Emily’s brothers and ourselves have somehow got to try to move forward, without our beautiful girl. We hope to live in a way Emily would have wanted us to – with grace and compassion,” sabi ng isa sa kaanak ng biktima.