Isang labi ng lalaki ang natagpuan sa likod ng mga cooler sa isang supermarket sa Council Bluffs, Iowa sa Amerika.
Ayon sa pulisya, nagtatanggal daw ng mga istante at coolers ang mga trabahador ng ‘No Frills Supermarket’ nang makita nila ang naturang katawan.
Napag-alaman na ang labi ay si Larry Ely Murillo-Moncada, isang trabahador ng nasabing tindahan na naiulat na nawawala 10 taon na ang nakararaan.
Ayon sa mga magulang ni Larry, November 28, 2009 nang mawala ang kanilang anak nang bigla na lamang itong umalis ng bahay at hindi na nila muling nakita.
Humingi na umano sila ng tulong sa mga kaanak, maging sa mga ahensya at namigay na rin ng mga flyers.
Batay sa ulat ni Council Bluffs Police Capt. Todd Weddum, nakumpirma ang katawan ng lalaki nang sumailalim sa DNA test ang mga magulang ni Larry.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pareho ang suot na damit ni Larry noong araw na siya ay nawala, sa narekober mula sa labi.
Sa pahayag na ibinigay ni Sgt. Brandon Danielson, kakaiba ang naturang kaso na pagkawala ni Larry.
Samantala, ibinahagi naman ng nanay ni Larry, na umuwi raw ang anak pagkatapos ng Thanksgiving shift sa pinagtatrabahuang supermarket, hanggang sa bigla na lang raw itong kumilos ng kakaiba at nakakarinig na raw ito umano ng kakaibang boses.
“He said somebody was following him, and he was scared,” ani kanyang ina.
Kaugnay nito, sinabi ng mga empleyado na madalas raw silang umaakyat sa taas ng coolers kapag walang magawa at sinasabing nahulog umano si Larry sa taas na nasa 12 ft at doon ay natrap ito.
Sa kasamaang palad, hindi raw umano maririnig ang sigaw o tawag ng isang tao doon dahil sa mga ingay mula sa mga coolers.
Ayon naman sa autopsy, wala raw sinyales ng trauma ang pangyayari, at ang kaso umano ay isang aksidente.