Lalaki na Galing sa Birthday Party, Patay sa Pananaksak

24

Cauayan City, Isabela- Tuluyang binawian ng buhay ang isang lalaki na kagagaling lamang sa birthday celebration matapos na saksakin ng mismong kapit bahay sa Barangay Alabiao, Tuao, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Richard Baluga, 28 taong gulang, may-asawa, karpintero habang ang suspek ay nakilalang si Orencio Gepila, 57 taong gulang, may-asawa, laborer at kapwa residente ng nabanggit na barangay.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakauwi na sa kanilang bahay ang biktima kasama ang misis nito matapos na dumalo sa birthday ng kanilang kapitbahay at habang sila’y kumakain ay narinig ang suspek na sumisigaw sa bahay nito.

Lumabas ang biktima upang kausapin ang suspek na nasa impluwensya ng alak subalit dahil sa kadiliman ay hindi nakita ng biktima na may hawak na patalim ang kaharap nito na mismong Tito ng kanyang misis.

Habang magkaharap ang biktima at suspek ay biglang inundayan ng saksak sa tiyan ang biktima at bumulagta sa lupa.

Agad namang isinugod sa ospital ang biktima subalit habang nilalapatan ng lunas ay binawian din ng buhay.

Dinakip ng mga barangay Tanod ang suspek at ipinasakamay sa Tuao Police Station.




Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments