Lalaki na Nag-overtake sa Sinusundang Sasakyan, Patay sa Kasalubong na Van

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa kasalubong na sasakyan sa kahabaan ng National Highway na sakop ng Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Alvin Dela Peña, 26 na taong gulang, walang asawa, machine operator ng isang pribadong kumpanya at residente ng Brgy. Dimasari, Palanan, Isabela.

Habang ang suspek ay nakilalang si Jerry Ordonio, 26 taong gulang, isang professional driver at residente naman ng Zone 2, San Mariano, Isabela.


Lumabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, pasado alas 6:00 kagabi, Agosto 22, 2021 nang mangyari ang insidente kung saan magkasalungat na binabaybay ng biktima ang kalsada lulan ang motorsiklo na walang plaka at ng suspek na lulan naman ang minamanehong closed van.

Huminto umano sa national road ang Van upang pumasok sa kaliwang bahagi ng daan patungong Centro ng Cauayan at sakto naman ang pagdating ng motorsiklo na nag-overtake sa sinusundang sasakyan.

Sumalpok ang biktima sa sasakyan ng suspek at nagtamo ito ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na agad namang nirespondehan ng Rescue 922 at dinala sa pinakamalapit na ospital.

Conscious pa umano ang biktima nang maisugod ito sa ospital pero binawian din ng buhay nang makarating sa pagamutan.

Ayon naman sa nurse na umasikaso sa biktima, pinaniniwalaan itong nakainum ng alak batay na rin sa amoy nito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Cauayan ang suspek at hinihintay na lamang ang nanay ng biktima para sa kanilang pag-uusap kung itutuloy ang pagsasampa ng kaso o dadaanin sa areglo.

Gayunman, inihahanda pa rin ng pulisya ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments