Lalaki na nagbiro umanong may COVID-19, tinaga ng kainuman

Patay ang isang mister sa Jamindan, Capiz matapos pagtatagain ng dalawa niyang kainuman dahil sa biro na tinamaan siya ng COVID-19, inulat nitong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Jomin Nicolas, 36, habang tinutugis naman ang mga suspek na sina Eric Valaqiuo at Felimino Villeza, kapwa residente ng Barangay San Juan.

Ayon sa Jamindan Municipal Police Station, pauwi na ang tatlo galing sa inuman nang mangyari ang insidente dakong 6:30 ng gabi.


Habang naglalakad ay sinabi umano ni Nicolas na positibo siya sa coronavirus at humingi pa ng paumanhin dahil itinago niya ang sikreto.

Nabigla umano ang mga suspek na nagsiuwi at kumuha ng itak.

Saka umano natatawang humingi ng paumanhin si Nicolas sa tinurang biro sa dalawang suspek.



Dito na napikon ang mga suspek na pinagtataga umano ang biktima sa leeg at iba pang parte ng katawan na agad nitong ikinamatay.

Facebook Comments