Dating beauty queen, inalok daw na P3M para sa ‘one night stand’

LEFT: File photo from Binibining Pilipinas/RIGHT: From IG/Janina San Miguel

Ibinunyag ng dating beauty queen na si Janina San Miguel sa isang dokyumentaryo ang umano’y “maruming kalakaran” sa sinalihang beauty pageant.

Sa episode ng “Undercover Asia: The Hidden Side of Philippines Beauty Pageants,” inamin ni San Miguel na nakatanggap siya ng alok na P3 milyon para sa “one night stand” at P25 milyon naman kapalit ng pakikipag-relasyon.

‘Yung 25 million, ano ‘yung gagawin ka niyang parang girlfriend. Bibigyan ka niya ng car, condo, resort, lahat… Ang dami talagang gustong maging girlfriend or wife ang isang beauty queen,” kuwento niya.


Kinoronahan siya bilang Binibining Pilipinas-World noong 2008 subalit umatras ito tatlong buwan bago ang kompetisyon.

Ayon kay San Miguel, matagal din siyang nalayo sa kaniyang pamilya bunsod ng matinding preparasyon para sa naturang paligsahan.

“Nandun lang ako sa loob ng Araneta (Coliseum). Wala nga pong phone, wala ding computer, wala lahat,” pagpapatuloy ng ex-beauty queen.

“There’s a point in time na nandun na ‘yung brother ko at ‘yung daddy ko sa labas pero sabi nung guard, ‘Since wala kayong appointment, umuwi na lang kayo.”

Sa gitna raw ng pag-eensayo ay aksidente niyang narinig na nasa pagamutan ang kaniyang lolo na binalak daw ilihim ng Binibining Pilipinas Charities Inc (BPCI).

“Ayaw nilang sabihin sa ‘kin na ‘yung lolo ko mamamatay na… ayaw nilang parang ma-distract ako,” saad ng personalidad.

Matatandaang sinabi noon ng BPCI na kaya hindi magagampanan ni San Miguel ang tungkulin dahil sa ilang “personal reasons.”

Samantala, naging normal na raw ang pamumuhay ng dating pageant titlist simula nang isuko ang korona.

Inalis din niya sa mga pinasang resume ang pagiging title-holder dahil baka iba raw ang isipin ng tao kapag nabasa ang kaniyang aplikasyon.

Kasalukuyan nagtratrabaho si San Miguel bilang call center agent sa isang multinational company at nakapag-asawa ng isang Indian national.

“Much important ‘yung family ko rather than wealth and fame. Parang ang gulo-gulo ng show business.”

Matatandaang tumatak sa publiko ang sagot niyang “No, I don’t feel any pressure right now,” na viral pa rin sa social media hanggang ngayon.

Wala pang inilalabas na pahayag ang BPCI ukol sa mga rebelasyon ng kanilang dating beauty queen.

Facebook Comments